Sunday, October 1, 2017

Kagalakan

Hindi mo man hanap-hanapin ang aking mga liham tulad ng dati, hahanap-hanapin pa rin kita.

Sa nalalapit na pagwawakas na pinapahaba lamang ng nauubos na apoy ng oras, nais ko lamang ihayag na ilang tagumpay at pagkakamali man ang lumipas ay hindi ko malilimutan itong mga panahon na ako'y iyong pinapaluha't pinapangiti. Unti-unti kang naging parte ng aking sarili, tulad ng mayroon akong kanang kamay, mayroon din akong kaliwa. Sa luhaan kong pagmamakaawa na huwag ka nang lumisan, wala akong pinagsisisihan sa bawat minutong ako'y iyong pinaghihintay sa takot na baka habambuhay na kitang hindi makita.

Kaya, sinta, sana'y wag kang mawala.

Paano ka ba mananatili sa tao na hindi mo naman gusto? Paano kita mapapangakuan ng walang hanggan kung hindi tayo sigurado? Tuwing nagseselos ay pinapaalalahanan ang sarili na inggit ang nadarama. Tuwing naiiyak, pilit pinipigil. Tuwing namimiss ka, pilit pinapaniwala ang sarili na hindi kita kailangan pero ang nakapupunyetang katotohanan ay kailangan kita at wala akong pakielam sa sasabihin ng iba basta ang alam ko ay kailangan kita at ayoko kang mawala pero paano nga ba kita mapanghahawakan kung sa akin ay ayaw mong kumapit? Pasensya ka na. Mahal lang talaga kita. Di ko alam kung paano ko lilimitahan, gusto ko akin ka. Sana nga akin ka.

Sa sobrang pagsinta ko sayo, gusto ko nalang malusaw ang pag-ibig na 'to para di na ako nahihirapan ng husto.

Sana nga hindi nalang kita nakita. Sana hindi nalang tayo nagtagpo. Dahil ayoko ng ganito. Ayoko na may kinatatakutan akong mawala. Ayoko na may iniibig ako ng husto. Ayoko yung nasasaktan ako pag may kasama kang iba. Ayoko yung wala akong magawa dahil ikaw lang ang nasa isip ko. Ayoko na hinahangad ko ang atensyon mo na higit pa sa paghahangad ko ng sarili kong atensyon. Pero ano pa ba ang magagawa ko? Mahal na kita e. Yayakapin ko nalang to. Kahit na imposible kitang mayakap sige yayakapin ko nalang to, at baka sakaling bukas, ikaw na yung kayakap ko.


Courtesy : Glory May Asahan

-Rain Check

No comments:

Post a Comment