Friday, July 28, 2017

Wakas

                Isinilang ang araw sa pagitan ng mga naka-kadenang serye ng makukulay na goma. Habang ako ay nakatanaw sa kabilang dako ng daigdig, unti-unting tinakpan ng mensahero ng luha ang anino ng kabundukan. Ang dagat ay natuyo sa ulan. Sa sobrang lawak ng kapatagan ay di maiwasang ako ay makaramdam ng paninikip ng dibdib, dahilan upang aking lisanin ang aking kasalukuyang kinalalagyan. Naglakad sa hangin, tumiklop sa sakit, at sumuko sa ginhawa. Oras ang binilang bago nahinto ang panunukso ng mga paruparo. Aking nasilayan ang pagtangis ni ina. Aking naalala ang paglisan ni ama. Ang kalungkutan ay bumalot sa akin parang isang buhay na pusa na pilit sinasagip ang pumapanaw niyang mga kuting, o parang isang makata na pilit humihingi ng soneto mula sa mga tumatangging bituin. Ako ay naligaw. Naligaw sa pagitan ng tahanan at pagtahan. Nang muling nakita ang sarili, inibig ang kawalan. Nagtanong. Sumagot. Naghanap. Nawala. Bakit nga ba napaka-mapaglaro ng buhay? Tila ang aking istorya ay sa panulat ng nagtatampong tadhana. Kung maaari lamang na ako ay tuluyang mawala, ako ay lilitaw. Kung may hihiling man ng tugma, ibig ko’y ikaw. Ibig ko’y ikaw. Ibig ko’y ikaw. Palagi. At lagi.

-Rain Check 

No comments:

Post a Comment